..love is an oxymoron-right!..
>>
Nakakatawa talaga ang LOVE.
Isa siyang napakalaking oxymoron. Lahat ng pwede mong masabi sa kanya, baliktarin mo at totoo parin. Ang labo di ba?? pero ang linaw.
Masayang magmahal. Malungkot magmahal. Di mo naiintindihan, pero naiintindihan mo. Walang rason. Maraming rason. Di mo kaya, pero kaya mo parin.
Leche, ano ba talaga?!
May kaibigan ako. sabi niya noon, "Love is only for stupid people." nakakatawa kc laude ang standing niya, pero dumating ang panahon, na in-love din ang hunghang. at ayun, tang.a na siya ngayon.
Lahat kasi ng nahahawakan ng LOVE nagiging oxymoron din. o kaya paminsan, minsan, nagiging moron lang...
Hindi lang kasi baliktaran ang pag-ibig. Lahat ng bagay nababaliktad din niya.
Lahat ng malalakas na tao, humihina. Ang mayayabang, nagpapapakumbaba. Ang mga walang pakialam nagiging Mother Teresa. Ang mga henyo, nauubusan ng sagot. Ang malulungkot, sumasaya. Ang matitigas lumalambot at tumitigas din ang mga bagay na madalas nama'y malambot.
Nakakatawa talaga. Lalo na kapag dumadating siya sa mga taong ayaw nang ma-inlove.
Napansin ko nga eh, parang kung gusto mo lang ma-inlove uli, isigaw mo lang ang magic words na "ayoko nang magmahal!!" biglang WACHA!! ayan na siya...nang-aasar. Magpapa-asar ka naman?!
Di ba nakakatawa din na pagdating sa problema ng ibang tao, ang galing galing mo? Pero pag problema mo na yung pinag-uusapan, parang nawawalan na ng saysay lahat ng ipinayo mo dun sa namomroblemang tao? Naiisip mong wala namang mali dun sa mga sinabi mo. Pero bakit parang wala ring tama??
Bali-baliktad din ang nasasabi ng mga taong tinamaan ng madugong pana ng pag-ibig.
"Ngayon ko lang nalaman ganito pala...sabi ko na eh!"
"Ang sarap mabuhay! Pwede na akong mamatay! Now na!"
At di lang yon, ang sarap ding pagtawanan ng mga taong alam naman nilang masasaktan lang sila eh magpapatihulog parin sa bangin ng Pag-ibig. Tapos pag luray-luray na puso nila, siyempre hindi sila yung may kasalanan...SIYA!!!
"Bakit niya ako sinaktan??" May kasama pang pagsuntok ng pader yon, at pagbagsak ng pinto!
Hayop talaga.
Mauubos ang buong magdamag ko kakasabi ng mga bagay na nakakatawa pag pag-ibig na ang pinag-uusapan. Ang daming beses ko na kasi siyang nakasalubong kaya masasabi kong eksperto na ako. Pero wala parin akong alam.
Pero ang pinaka-nakakatawa sa lahat ay ang katotohanang kapag gusto nang magpatawa ng pag-ibig, ipusta mo na lahat ng ari-arian mo dahil siguradong IKAW ang punchline...
Nakakatawa noh?
NAKAKAIYAK....
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home