the world's a stage

June 07, 2006

piso per tagalog word?

St. Scho-Westgrove is now officially an English zone. Meaning, we have to speak English at all times and per Tagalog word that we say, we have to pay one Peso. Is it fair? Is it just? No, for me, it isn't. Don't get me wrong. Hindi naman sa kinokontra ko kung ano man ang pinapatupad ng paaralan ngayon. At lalo namang hindi ko kinokontra ang mga nag desisyong gawing batas ang ganito. Katunayan, sang-ayon ako na hasain ang mga estudyante sa Ingles. Ngunit ang pagbayad ng piso sa bawat Tagalog na salita na aming mabigkas? Hindi naman yata ito patas. Bakit?

Hindi lahat ng estudyante ay nakakapag-pahayag ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng Ingles. Siguro kaya nilang magsalita ng Ingles ngunit hindi naman maiiwasan na may mga salitang Tagalog na hindi maiiwasang bigkasin, lalo pa't minsan ay wala o mahirap hanapan ng katumbas na salita sa Ingles. Palagay ko, hindi ito maiiwasan. At palagay ko rin, hindi ito magiging patas. Ako, nakakapagsalita ako ng diretsong Ingles ngunit inaamin ko na kung minsan, may mga salita na kailangan kong bigkasin sa Tagalog upang maipahayag ko ang aking saloobin at damdamin ng mas maayos. Naniniwala ako na mayroong ibang paraan upang mahasa ang pananalita ng Ingles ng bawat estudyante. Ang pagbayad ng piso sa bawat salitang Tagalog na lumabas sa aming bibig ay hindi pabor sa akin. Kailan pa ba naging bawal ang pananalita ng Tagalog? Kailan pa ipinagbabawal na gumamit ng pambansang wika? Oo, alam ko na ginagawa ito upang mas gumaling tayo sa pag-Iingles at nang sa ganoon ay makatulong din naman sa atin kapag may kausap tayong dayuhan o kapag na sa ibang bansa tayo. Ngunit sa tingin ko ay hindi nararapat na pagbayarin ang mga estudyanteng nais na magpahayag ng saloobin sa Tagalog. Parang sinabi na rin natin na maaaring bayaran ang wikang Filipino upang wikang Ingles ang gamitin.

Ito marahil ang problema sa atin. Masyado nating pinahahalagahan ang wikang dayuhan na minsan, pati ang sarili nating wika ay 'di na ri natin kabisado. Maaari ngang mas magaling pa tayo sa Ingles kaysa sa Tagalog. Ano palagay ninyo? Ako man, mas mataas ang nakukuha ko sa asignaturang Ingles kaysa Filipino. Siguro nga, ang mga kabataan ngayon ay mas maiintindihan pa ang salitang "stop" kaysa sa salitang huminto o tumila. Hindi ba? Kung iisipin nang mabuti, saan nga ba tayo mas magaling? Sa Ingles nga ba o sa ating sariling wika? Gaano nga ba natin kilala ang salitang Tagalog o ang wikang Filipino?

Naalala ko ang kuwento ng aming naging guro na si Ms. Leni. Matatagpuan rin ito sa libro ni Bob Ong na Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino. Mayroon daw mag-lolo na pumunta sa embahanda ng Estados Unidos upang kumuha ng visa. Hindi marunong magsalita ng Ingles ang lolo kaya ang apo niya ang nagsasalin sa salitang Ingles. Sa huli, hindi binigyan ng visa ang lolo. Ang dahilan? Dahil hindi raw ito marunong magsalita ng Ingles. Ano ang sinabi ng lolo? "P*tang ina niya, bakit sa nandidito eh hindi naman siya marunong mag-Tagalog?"

Mayroon pang isang kwento na nabasa ko mula sa aklat ni Bob Ong. Sa Amazing Race daw ay may isang lalaki na noong nagpunta ng India ay tinanong ang isang taga-roon kung marunong mag Ingles. Ano ang sinabi ng taga-India? "Yes. Do you speak Swahili?" na tila bang nagsasabi na ang mga Amerikano ang na sa India kaya sila ang dapat na mag-adjust. Nang dumating ang Kano sa Pilipinas, sinabihan nito ang taxi driver na bilisan ang takbo. Paano sumagot ang driver? Malamang, nag-Ingles ang hunghang. Ewan ko ba, maaaring tama naman na mag-Ingles siya. Ngunit ito na lang, dapat ba, tayo na lang palagi ang makikisama sa kanila? Ewan ko.

Ngayon sagutin ninyo, ano nga ba ang mas alam nating wika? Ang Filipino nga ba o baka naman ang Ingles? Ayos lang naman magsalita nang magsalita ng Ingles. Walang problema. Kung alam mo nang talaga ang sarili mong wika. Eh ang tanong, kilala pa ba natin ang ating sariling wika? Ikaw, kilala mo pa ba ang sariling mong wika? Talaga? Alam mo pa ba ang ibig sabihin ng repinado? O nang maarok kaya? Pero sigurado ako, alam mo ang ibig sabihin ng sugar at reach, tama ba?

Ikaw, anong wika ang mas kilala mo? Ingles ba o Filipino?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home