.....
Bakit ba may mga bagay-bagay na kahit anong pilit mong burahin sa buhay mo ay talagang 'di mabura-bura? Kung sa mantsa, kahit anong babad mo sa clorox, hindi parin ito maalis-alis sa damit at patuloy ang pagkapit nito. Minsan iniisip mo na isang araw ay matatanggal rin ito ngunit kahit gaano katagal pa abutin ay 'di maitatangging andun pa rin. Kung minsan nga ay mas lalo pang lumalaki ang mantsa. Bakit ba ganun? Bakit kasi 'di maaaring burahin na lang at maalis ito agad? Bakit kailangan pang manatili at tumagal? Minsan nga hindi na natatanggal hanggang sa kailangan mo nang itago ang damit at 'di na ito gamitin kahit kailan. Paano pa kaya kung sa paborito nating damit? Hindi ba't mahirap? Mahirap ngunit ito ang nararapat dahil habang suot natin ang damit na mayroong mantsa ay 'di tayo mapapanatag. Ang akala ko kasi ay wala na ang mantsa, ngunit ako'y nagkamali. Naitago ko na ang damit sa aking pagkakaalam at kanina, muli ko itong tiningnan. Hayun at naroon pa rin pala, kailanman ay 'di kumupas at 'di nalimutan. Ibabalik ko ba ang damit sa kinalalagyan nito? Hindi ko alam. Ang alam ko, nagdesisyon na ako dati na itatago ang damit at bubuksan lamang ito kapag alam kong tama na ang panahon. Hindi naman sinasadyang nahulog ito sa kanyang kinalalagyan kanina ngunit akala ko'y hindi ko na ito iintindihin pa. Ang akala ko pa nga'y wala na rin o kaya'y kahit kumupas man lamang ang mantsa, ngunit hindi. Matagal-tagal na rin magmula ng ito'y mamantsahan at matagal kong patuloy na sinuot ang damit hanggang sa naisip kong bumili na ng bago pagkat ano nga naman ang silbi nito? Ngunit sino nga ba ang niloloko ko? Kahit ano naman ang gawin ko, alam kong mas komportable isuot ang damit kong may mantsa. Mas gusto kong isuot iyon kaysa sa bago. Ang bago ay wala ngang mantsa ngunit ano ang gagawin ko rito kung 'di ko naman talaga ito gusto? At ngayong nahanap ko ulit ang una nang itinagong damit, ano na ang aking gagawin? Sabi ko ay ayoko na. Mapaninindigan ko kaya? Mahirap, dahil ang damit na ito ay mahalaga.
hay buhay
Kanina ay nakakita ako ng dilaw na paru-paro. Ewan ko ba, simula nung nagdasal ako, ganun ang interpretasyon ko sa mga paru-parong nakikita ko. Noong una ay puro dilaw pagkatapos ay nahkaroon ng puti at kanina ay dilaw ulit. Ewan ko ba. Senyales nga ata iyon na mahuhulog ang damit na matagal ko nang itinago. Ang labo ng buhay.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home