dagdag lang..
I just read Chai's and Mela's blog. Gusto kontrahin 'yung iba nilang sinabi. Dahil para sakin, hindi, hindi isang malaking katangahan ang mahalin mo ang isang tao ng buong puso. Kapag nagmahal ka, hindi naman maaari na hindi buong puso ang ibibigay mo dahil kung hindi, hindi ito tunay na pagmamahal. Ang tunay na pagmamahal ay ibinibigay ang lahat. Sinasakripisyo ang maraming bagay at isinusugal ang posibilidad na maaari kang masaktan. Sabihin mo, matatawag mo bang pagmamahal kapag 'di mo binigay ang buong puso mo? Tuwing nagmamahal tayo, binibigay natin ang buong puso natin. Kahit na sabihin mong ilang bese ka pa nasaktan at kahit pa parang nagka watak-watak na 'yang pusong 'yan, walang mawawalang parte diyan at mabubuo at mabubuo pa rin 'yan. Hindi totoong walang matitira sa'yo kapag minahal mo ang isang tao ng buong puso. Dahil ang puso, kahit sino ang mahalin, kahit sarili mo pa 'yan, ay lahat binibigyan ng 100 porsyento. Hindi naman kailangan hatiin ang puso. Maaari ka namang magmahal ng maraming tao, kahit ang buong mundo pa, na ang bawat tao ay mamahalin mo ng buo. Ang pagmamahal ay binibigay ng buong puso. At kahit na nasaktan ka ng sobra-sobra dahil sa pagmamahal mo sa isang tao, eh ano naman?! Hindi pa rin naman iyon katangahan. Nagmahal ka, masama ba?! Kaya ka nasaktan ay minahal mo siya ng buong puso at kahit na nasaktan ka niya, isipin mo na lang, kung 'di mo siya minahal at di ka niya nasaktan, matututo ka bang lumaban? Matututo ka bang magmahal? Kung ang iba sinasabi na lahat ay nagiging tanga sa pagmamahal, iba ang sasabihin ko. Walang tanaga pagdating sa pag-ibig. Dahil ang puso ay hindi tanga, nakikita lang nito ang mga mabubuting bagay. Kaya nga ang utak ay kailanman hindi maikukumpara sa puso. Ano ba ang mas gugustuhin mo, ang pusong mapagmahal o ang utak na mapang husga? Ang hindi magmahal ng buong puso ay mas malaking katangahan na magagawa mo sa buhay mo. Maaaring ito na nga ang pinaka malaking katangahan na magagawa mo sa buong buhay mo. Bakit? Dahil hindi mo mararanasan ang tunay na kaligayahan kung hindi mo isusugal 'yang puso mo. Wala namang mawawala. Sa 2 bagay na maaaring mangyari sa'yo: una, ang mahalin pabalik at pangalawa ang masaktan, parehong may mapupulot na aral. Ang magmahal ay hindi katangahan, dapat na pasalamatan natin ang mga taong mahal natin kahit gaano pa nila tayo saktan. Dahil sa kanila, naramdaman natin ang pagmamahal at natuto tayong tumayo matapos madapa. Sa buhay na ito, isa lang ang sigurado, magmamahal at magmamahal ka kahit ano ang gawin mo. At sa tuwing magmamahal ka, ibigay mo ang isang daang porsyento dahil baka hindi mo alam na ang taong pag-aalayan mo nito ay ang taong magmamahal din sa'yo ng buong puso niya.